Pandiwa
Ang pandiwa o badyâ ay isang salita (bahagi ng pananalita) na nagsasaad ng kilos o galaw (lakad, takbo, dala), isang pangyayari (naging, nangyari), o isang katayuan (tindig, upo, umiral). Tinatawag ito na verb sa wikang Ingles.
Mga halimbawa (naka-italiko):
- Pumunta ako sa tindahan.
- Binili ko ang tinapay.
- Kumain ako ng tinapay kaninang umaga.
- Sumakay ako sa jeep papunta sa paaralan.
- Ginagawa ko palagi ang aking mga takdang-aralin.
Aspekto ng Pandiwa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ipinapakita ng aspekto ng pandiwa kung kailan nangyari, nangyayari, mangyayari o kung ipagpapatuloy pa ang nagaganap na kilos.
Salitang-Ugat | Pawatas | Naganap o Perpektibo | Nagaganap o Imperpektibo | Magaganap o Kontemplatibo | Kakatapos |
---|---|---|---|---|---|
basa | magbasa | nagbasa | nagbabasa | magbabasa | kababasa |
sira | masira | nasira | nasisira | masisira | kasisira |
Pawatas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ang tawag sa kombinasyon ng salitang-ugat at ng panlaping makadiwa. Sa pawatas nabubuo ang mga pandiwa.
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Pandiwa |
---|---|---|---|
tuka | + um | = tumuka | = tumuka, tumutuka, tutuka |
palit | + mag | = magpalit | = nagpalit, nagpapalit, magpapalit |
Aspektong Naganap o Perpektibo o Pangnagdaan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito na tapos nang gawin ang kilos.
Ang pawatas na may panlaping um at ang aspektong naganap ay iisa o pareho.
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Naganap |
---|---|---|---|
alis | + um | = umalis | = umalis |
kain | + um | = kumain | = kumain |
Ang panlaping ma, mag at mang sa isang pawatas ay nagiging na, nag at nang sa aspektong naganap.
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Naganap |
---|---|---|---|
tuwa | + ma | = matuwa | = natuwa |
sulat | + mag | = magsulat | = nagsulat |
hingi | + mang | = manghingi | = nanghingi |
Ang panlaping in sa isang pawatas ay nagiging unlapi kung ang salitang-ugat ay nagsisimula sa patinig at nagiging gitlapi kung ang salitang-ugat ay nagsisimula sa katinig. Kapag hin ang panlapi, ang hin ay nagiging in kapag binanghay.
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Naganap |
---|---|---|---|
alis | + in | = alisin | = inalis |
mahal | + in | = mahalin | = minahal |
basa | + hin | = basahin | = binasa |
Aspektong Nagaganap o Imperpektibo o Pangkasalukuyan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito na ang sinimulang kilos ay patuloy pa ring ginagawa at hindi pa tapos.
Kung ang pawatas ay may panlaping um, uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Nagaganap |
---|---|---|---|
ulan | + um | = umulan | = umuulan |
kanta | + um | = kumanta | = kumakanta |
Kapag ang panlapi ng pawatas ay ma, mag at mang, gawing na, nag at nang at uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Nagaganap |
---|---|---|---|
iyak | + ma | = maiyak | = naiiyak |
linis | + mag | = maglinis | = naglilinis |
bunggo | + mang | = mangbunggo | = nangbubunggo |
Kung ang pawatas ay may panlaping in o hin at ang salitang ugat ay nagsisimula sa patinig, ilagay ang panlaping in sa unahan at ulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Nagaganap |
---|---|---|---|
alis | + in | = alisin | = inaalis |
unat | + in | = unatin | = inuunat |
Kung ang pawatas ay may panlaping in o hin at ang salitang-ugat ay nagsisimulla sa katinig, gawing gitlapi ang in at ulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Nagaganap |
---|---|---|---|
mahal | + in | = mahalin | = minamahal |
gamot | + in | = gamutin | = ginagamot |
Aspektong Magaganap o Kontemplatibo o Panghinaharap
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito ng kilos na hindi pa nasisimulan at gagawin pa lamang.
Kapag ang pawatas ay may panlaping um, alisin ang um at uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Magaganap |
---|---|---|---|
asa | + um | = umasa | = aasa |
lakad | + um | = lumakad | = lalakad |
Kapag ang pawatas ay may panlaping ma, mag o mang, mananatili ang ma, mag o mang at uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Magaganap |
---|---|---|---|
tanaw | + ma | = matanaw | = matatanaw |
suot | + mag | = magsuot | = magsusuot |
hingi | + mang | = manghingi | = manghihingi |
Kapag ang pawatas ay may panlaping in o hin, mananatili ang panlaping in o hin at uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Magaganap |
---|---|---|---|
yakap | + in | = yakapin | = yayakapin |
suklay | + in | = suklayin | = susuklayin |
bili | + hin | = bilihin | = bibilihin |
Aspektong Katatapos
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsasaad ito na katatapos pa lamang ang kilos bago nagsimula ang salita. Nasa ilalim ito ng aspektong perpektibo.
Kadalasan ay nilalagyan ang panlaping ka at uulitin ang unang pantig o unang dalawang titik ng salitang-ugat.
Salitang-Ugat | + Panlapi | = Pawatas | = Katatapos |
---|---|---|---|
mano | + mag | = magmano | = kamamano |
parusa | + mag | = magparusa | = kapaparusa |
ligpit | + mag | = magligpit | = kaliligpit |
Tuon/Pokus ng Pandiwa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ito ang tawag sa relasyong pansemantika ng pandiwa sa simuno o paksa ng pangungusap. Naipapakita ito sa pamamagitan ng taglay na panlapi ng pandiwa.
Tagaganap/Aksyon/Aktor
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang paksa ang tagaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "sino?". Ginagamit ang mga panlaping mag-, um-, mang-, ma-, maka-, makapag-, maki- at magpa-.
Halimbawa:
Naglunsad ng proyekto ang mga kabataan. Dumalaw kami sa mga batang may sakit.
Karanasan/Layon/Gowl
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang paksa ang layon ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "ano?". Tinatawag ito direct object sa wikang Ingles. Ginagamit ang mga panlaping -in-, -i-, -ipa-, ma- at -an.
Halimbawa:
Binili ni Jomelia ang bulaklak. Kinuha ko sa silid ang mga bolang gagamitin sa paglalaro.
Ganapan/Lokatibo/Lokatib
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang paksa ang lugar na ginaganapan ng pandiwa sa pangungusap.Ito ay sumasagot sa tanong na "saan?". Ginagamit ang mga panlaping pag-/-an, -an/-han, ma-/-an, pang-/-an, at mapag-/-an.
Halimbawa:
Dinaraan ng tao ang kalsada. Ang tindahan ang pinagbilhan ni Jomelia ng bulaklak.
Tagatanggap/Benepaktor/Benepektib
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang paksa ang tumatanggap sa kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "para kanino?". Ginagamit ang mga panlaping i-, -in, ipang-, at ipag-.
Halimbawa:
Kami ay ipinagluto ni nanay ng masarap na ulam. Pinakilala sa madla ang kampeon.
Kagamitan/Gamit/Instrumental
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang paksa ang bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "sa pamamagitan ng ano?". Ginagamit ang mga panlaping ipang-, maipang-, at ipinang-.
Ipinangsulat niya ang pentel pen para mabasa nila ang nakasulat. Si Luciano Pavarotti ay pinagkalooban ng talino sa pag-awit.
Pangyayari/Sanhi/Kosatibo/Kawsatib
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang paksa ang nagpapahayag ng sanhi ng kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "bakit?". Ginagamit ang mga panlaping i-, ika- at ikina-.
Ikinalungkot ng mga bata ang hindi nila pagkikitang mag-anak. Ang pagkain ng mayaman sa kolesterol ang ipinagkasakit sa puso ni Tong.
Direksiyon
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang paksa ang nagsasaad ng direksiyon ng kilos ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na "tungo saan/kanino?". Ginagamit ang mga panlaping -an, -han, -in at -hin)
Sinulatan niya ang kanyang mga magulang. Pinuntahan ni Maryse ang tindahan para mamili ng kagamitan.
Mga Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga Pinagkukunan
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Baybayin: Paglalayag sa Wika at Panitikan 8 by Remedios Infantado ISBN 978-971-23-7030-4 pp. 133-134
- Bagong Likha: Wika at Pagbasa 4, by Ester V. Raflores ISBN 978-971-655-331-4, pp. 239, 252-253, 267-268, 283