Pumunta sa nilalaman

Lubumbashi

Mga koordinado: 11°40′S 27°29′E / 11.667°S 27.483°E / -11.667; 27.483
Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ville de Lubumbashi
Opisyal na sagisag ng Ville de Lubumbashi
Sagisag
Palayaw: 
L'shi – Lubum
Ville de Lubumbashi is located in Democratic Republic of the Congo
Ville de Lubumbashi
Ville de Lubumbashi
Kinaroroonan sa Demokratikong Republika ng Congo
Mga koordinado: 11°40′S 27°29′E / 11.667°S 27.483°E / -11.667; 27.483
Bansa Demokratikong Republika ng Congo
LalawiganLalawigan ng Haut-Katanga
Itinatag1910
Pamahalaan
 • MayorJean Oscar Sanguza Mutunda
Lawak
 • Kabuuan747 km2 (288 milya kuwadrado)
 • Lupa747 km2 (288 milya kuwadrado)
Taas
1,208 m (3,963 tal)
Populasyon
 (2015)
 • Kabuuan1,794,118[1]
Sona ng orasUTC+2 (Oras ng Gitnang Aprika)
KlimaCwa

Ang Lubumbashi (mga dating pangalan: Élisabethville (Pranses) at tungkol sa tunog na ito Elisabethstad  (Olandes)) ay ang pangalawang pinakamalaking lungsod ng Demokratikong Republika ng Congo, kasunod ng pambansang kabisera na Kinshasa. Matatagpuan ito sa timog-kanlurang bahagi ng bansa. Ang Lubumbashi ay ang pampagmiminang kabisera ng bansa na nagsisilbing sentro para sa karamihan sa mga pinakamalaking mga kompanyang pagmimina.[2] Ang lungsod na nagmimina ng tanso ay nagsisilbing kabisera ng medyo maunlad na lalawigan ng Haut-Katanga at malapit sa hangganan ng bansa at ng Zambia. Nag-iiba ang mga pagtataya ng populasyon ng lungsod, ngunit karaniwan ay humigit-kumulang 1.5 milyong katao.

Élisabethville sa ilalim ng mga Belhikano

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Itinatag ng pamahalaang Belhikano ang kasalukuyang pamahalaan ng Élisabethville (sa wikang Pranses o Elisabethstad sa wikang Olandes) noong 1910, ipinangalan sa karangalan ng kanilang reynang si Elisabeth, asawa ni haring Albert I. Sa mga panahong iyon, nakuha ng pamahalaan ang kolonya mula kay Haring Leopold II, at ipinangalan itong Belhikanong Congo. Pinili ni Pangalawang Gobernador-Heneral Emile Wangermée ang sityo dahil sa pagiging malapit nito sa minahan ng tanso na Etoile du Congo at sa hurnong tinutunaw ang inambato ng tanso na inilagay ng Union Minière du Haut Katanga sa kalapit na Ilog Lubumbashi. Sa buong panahong kolonyal, nasa Élisabethville ang punong-himpilan ng Comité Spécial du Katanga (CSK) na isang kalahating-pribadong kompanyang konsesyonaryo na itinatag noong 1906. Nagtamasa ito ng mga pangunahing tanging karapatán, pangunahin diyan sa mga kapahintulután sa lupa at pagmimina, sa lalawigan ng Katanga.

Yumaman ang lungsod kalakip ng pag-unlad ng panrehiyon na industriyang pagmimina ng tanso.[3] Ang mga malaking pamumuhunan noong dekada-1920, kapuwa sa industriya ng pagmimina at sa imprastrakturang pantransportasyon (mga linyang daambakal na Elisabethville-Port Francqui and Elisabethville-Dilolo), ay nagpa-unlad sa lalawigan ng Katanga upang maging isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng inambato ng tanso (copper ore) sa mundo. Lumaki ang populasyon ng lungsod mula humigit-kumulang 30,000 katao noong 1930, sa 50,000 katao noong 1943 at sa 180,000 katao noong 1957. Ito ay pangalawang pinakamalaking lungsod ng Belhikanong Congo, kasunod ng Léopoldville (Kinshasa ngayon).

Ang Belgian Quarter sa Lubumbashi

Tulad nang nakagawian sa mga kolonya ng sub-Sahara, nakalaan lamang ang sentro ng lungsod ng Élisabethville para sa "mga puti" o Europeong populasyon. Pangkaramihan binuo ito ng mamamayang Belhikano, ngunit nakatawag-pansin din ang lungsod sa mga Briton at Italyanong pamayanan, gayon din mga Griyegong Hudyo. Pinahihintulutan lamang ang mga Konggoles sa "puting lungsod" tuwing araw, maliban sa mga katulong sa bahay (mga "boy") na kadalasang tumira sa mga barung-barong na bahay (mga "boyery") na matatagpuan sa mga likod-bahay o bakuran ng mga bahay panlungsod ng mga Europeo. Karamihan sa mga kalalakihan sa populasyong Aprikano ay mga dayong manggagawa mula sa mga karatig-rehiyon ng Belhikanong Congo (Hilagang Katanga, Maniema, Kasaï), mula sa Belhikaning Rwanda at Burundi, at mula sa Hilagang Rhodesya ng Britanniya (Sambia ngayon).[4] Unang tumira ang mga katutubo sa kung-tawaging cité indigène na tinatawag na quartier Albert (ngayon: Kamalondo), sa timog ng sentro ng lungsod at nakahiwalay sa "puting lungsod" sa pamamagitan ng isang 700-metrong-lapad na sonang niyutral. Kasabay ng paglago ng populasyon, nilikha ang mga bagong katutubong purók. Ang mga ito ay bumubuo pa rin bilang mga pangunahing naik o arabal ng kasalukuyang Lubumbashi: Kenia, Katuba, at Ruashi. Ang mga negosyo at paggawang may kaugnayan sa mga minahan ay nagpatatak sa Élisabethville bilang pinakamaunlad na rehiyon ng Congo noong huling dekada ng pamumuno ng mga Belhikano. Noong 1954 may 8,000 mga Konggoles na maybahay sa lungsod habang libu-libo pa ay mga bihasang manggagawa. Tinatayang nasa mas-mataas na antas ng pamumuhay ang mga negrong Aprikano na nakatira sa Élisabethville kaysa alinmang pook sa kontinente sa mga panahong iyon.[5]

Lubumbashi: Palasyo ng Hustisya ng dekada-1920

Nagsagawa ng pagwewelga ang mga minero sa Élisabethville noong Disyembre 1941 upang iprotesta ang lumalaking mahigpit na rehimen ng sapilitang-paggawa na ipinataw ng mga Belhikano sa mamamayan dahil sa "mga pagpupunyagi para sa digmaan."[6] Hindi masupil ang isang rally sa istadyo ng putbol ng Union Minière. Nagpaputok ng baril ang kapulisan at maraming mga raliyista ang napatay. Noong unang bahagi ng 1944, naging tagpo muli ang lungsod ng mga malubhang tensiyon at pangamba sa marahas na mga protesta, kasunod ng isang pag-aalsa ng Force Publique (hukbo) sa Luluabourg.[7]

Simula noong 1933, sinubok ng mga kolonyal na maykapangyarihan ng Belhika ang natatakdaang uri ng sariling-pamamahala sa pamamagitan ng pagtatatag ng cité indigène ng Élisabethville bilang kung-tawagin ay "centre extra-coutumier" (isang sentong hindi sakop ng nakagawiang batas). Pinamahala ito ng isang katutubong sanggunian at pinanguluhan ng isang katutubong punò. Ngunit dahil sa patuloy na panghihimasok ng mga Belhikanong maykapangyarihan, naging isang kabiguan ang pagsubok.[8] Ang unang katutubong pinuno, si Albert Kabongo na hinirang noong 1937, ay pinaalis noong 1943 at hindi pinalitan.

Noong 1957 naitatag ang Élisabethville bilang isang ganap na nagsasariling lungsod, at isinagawa ang unang malayang halalan kung saang makakaboto ang mga Konggoles. Ang mamamayan ng Élisabethville ay nagluklok ng mayorya sa nasyonalistang Alliance des Bakongo, na humingi ng kagyat na kalayaan mula sa mga Belhikano.

Nagsilbi ang Élisabethville bilang pampangasiwaang kabisera ng lalawigan ng Katanga. Ito rin ay mahalagang sentrong pangkomersiyo at pang-industriya, at isang sentro ng mga serbisyong pang-edukasyon at pangkalusugan. Nagbigay ang Orden Benedicto at ang misyoneryong Orden ng mga Salesiano ng maraming mapipiliang mga pasilidad pang-edukasyon para sa kapuwang mga Europeo at Konggoles, kabilang ang bokasyunal na pagsasanay (Kafubu). Itinatag ng mga Belhikano ang Unibersidad ng Élisabethville noong 1954–1955 (ngayon ay Unibersidad ng Lubumbashi).

Lubumbashi: Katedral ng San Pedro at San Pablo

Lubumbashi mula noong 1960

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nagsilbing kabisera at sentro ang Élisabethville ng tumiwalag na nagsasariling Estado ng Katanga noong Konggoles na digmaang sibil ng 1960–1963. Inihayag ni Moise Tshombe ang kasarinlan ng Katanga noong Hulyo 1960. Hinuli siya ng mga pinunong Konggoles at kinasuhan siya sa salang kataksilán noong Abril 1961, subalit nagkáisá siyang paalisin ang kaniyang mga banyagang tagapayo at mga puwersang militar bilang kapalit sa kaniyang paglaya. Nakabalik si Tshombe sa Élisabethville ngunit hindi niya isinakatuparan ang mga saligang ito at nagsimulang manlaban muli. Lumaban ang mga kawal ng Mga Nagkakaisang Bansa (UN) sa mga puwersa ng Katanga at nakuha ang kontrol sa lungsod noong Disyembre 1961 sa ilalim ng isang malakas na kautusan. Si Roger Trinquier na kilala sa kaniyang mga inilathalang akda sa digmaang kontra-himagsikan ay naglingkod bilang Pranses na tagapayo pangmilitar ni Pangulong Tshombe hanggang sa pandaigdigang panggigipit na pinamunuan ng Belhika, na humantong sa kaniyang pagbalik sa Pransiya.

Nakamit ni Mobutu Sese Seko ang kapanyarihan sa Congo paglaon. Binago niya sa Zaïre ang pangalan ng bansa bilang bahagi ng kaniyang "Zairianisasyon." Binago rin niya ang pangalan ng lungsod at lalawigan: sa Lubumbashi mula sa dating Élisabethville noong 1966 at sa "Shaba" mula sa dating Katanga noong 1972.

Noong Mayo 1990, naging tagpo ang kampus ng pamantasan ng lungsod ang makahayop na pagpatay ng ilang mga mag-aaral na isinagawa ng mga puwersang panseguridad ni Mobutu. Noong 1991–92 nagbunsod sa isang marahas na paghaharap ang mga sigalot-etniko sa pagitan ng mga Luba ng Katanga at mga Luba ng Kasaï (na tumitira lamang sa lungsod). Humantong ito sa sapilitang pagpapaalis ng mga Luba ng Kasaï.

Pumasok ang Zaïre sa isa pang nakakapagpalipol ng lahi na digmaang sibil noong kahulihan ng dekada-1990.  Nakuha ng mga rebelde ng Alliance of Democratic Forces for the Liberation of Congo ang Lubumbashi noong Abril 1997. Nagsalita mula sa lungsod ang rebeldeng pinuno na si Laurent-Désiré Kabila upang ihayag ang kaniyang sarili bilang pangulo ng bansa noong ika-17 ng Mayo 1997, pagkaraang nilisan ni Mobutu Sese Seko ang Kinshasa. Sa pamumuno ni Kabila ibinalik ang pangalan ng bansa sa "Demokratikong Republika ng Congo."[9]

Nang ipinasiya ni Laurent-Désiré Kabila na maghirang ng transisyonal na parlamento noong 1999, nagpasiya siyang italagá ang parlamento sa Lubumbashi, upang buuin ang marupok na pagkakaisa ng bansa. Itinalagá ang parlamento sa dating Pambansang Asambleya ng Katanga (ang dating tanghalan ng lungsod). Dahil diyan nagsilbing kabiserang pambatasan ng bansa ang Lubumbashi mula 1999 hanggang 2003, kung kailang ibinalik ang lahat ng mga sentral na tatagin ng bansa sa Kinshasa.

Noong ika-7 ng Setyembre 2010 naganap ang isang malaking pagkawala ng mga bilanggô sa Lubumbashi kasunod ng pagsalakay ng mga armadong kalalakihan sa bilangguan sa dakong labas ng lungsod. Nakatakas ang 960 bilanggô kabilang ang pinuno ng pangkat-milisya na Mai-Mai [en] na si Gédéon Kyungu Mutanga.[10] Noong ika-23 ng Marso 2013, sumalakay ang isang pangkat ng milisya na may 100 mandirigma at sapilitang kinuha ang kompuwesto ng UN na pinalilibutan ng mga sundalong Konggoles at mga kasapi ng Republican Guard ng pangulo.[2]

Lubumbashi noong 2011

Ang Lubumbashi ay nasa 1,208 metro (3,963 talampakan) sa ibabaw ng lebel ng dagat. Ang gayong kataasan ay nagpapalamig sa klimang karaniwan ay napakainit. Nagmumula ang Ilog Kafue sa kahabaan ng hangganan ng Sambia malapit sa lungsod at paliku-likong dadaloy ito sa hilaga-gitnang Sambia patungong Ilog Zambezi at binabagtas ang isang mahaba at malalim na mahabang bahagi (panhandle) papasok sa bansa.

Ang Lubumbashi ay may halumigmig na klimang subtropikal (Cwa, ayon sa Köppen climate classification), na may mainit at maulang tag-init at tuyo ngunit maaliwalas na taglamig. Karamihan sa ulan ay nagaganap tuwing tag-init at unang bahagi ng taglagas. Karaniwang ulan ay 1,238 milimetro (48.75 dalì).

Nagsisilbing mahalagang sentro ng komersiyo at pambansang industriya ang Lubumbashi. Kabilang sa mga yaring produkto ay mga tela, produktong pagkain at inumin, paglilimbag, ladrilyo, at pagtutunaw ng tanso. Tahanan ang lungsod ng serbeseriang Simba na gumagawa ng bantog na serbesang Tembo.

Ang lungsod ay punong tanggapan ng Trust Merchant Bank, isa sa pinakamalaking mga bangko ng bansa, gayon din ng kompanyang panghimpapawid na Korongo Airlines, isang magkasosyong kompanya sa pagitan ng Brussels Airlines at ng Belhikanong multinasyonal na Groupe George Forrest International. Mayroon ding arawang pahayagan sa lugar.

Isang tindahan sa Lubumbashi

Bilang kabisera ng pagmimina ng Demokratikong Republika ng Congo, ang Lubumbashi ay himpilan ng karamihan sa pinakamalaking mga kompanya ng pagmimina sa bansa. Ang Demokratikong Republika ng Congo ay nakakakuha ng "higit sa 3 bahagdan ng tanso sa mundo at kalahati ng kobalto nito, karamihan ay nagmumula sa Katanga."[2]

Transportasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Lubumbashi ay nasa pusod ng mga linyang daambakal patungong Ilebo, Kindu, Sakania, at Kolwezi. Noong dekada-1960, nilagyan ang bahagi mula Mutshatsha hanggang Lubumbashi ng kuryenteng 25 kiloboltahe na saliding saloy (25 kV AC) [en].

Tahanan ang Lubumbashi ng makabagong Paliparang Pandaigdig ng Lubumbashi. Nagsisilbing sentro ng pamamahagi ang lungsod para sa mga mineral tulad ng tanso, kobalto, sink, tinggaputi, at batong karbon.

Mga kapatid na lungsod

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Cellule d'Analyses des Indicateurs de Développement". CAID. Inarkibo mula sa orihinal noong 13 Nobiyembre 2017. Nakuha noong 17 December 2017. {{cite web}}: Check date values in: |archive-date= (tulong)
  2. 2.0 2.1 2.2 Michael J. Kavanagh (23 Marso 2013). "Congolese Militia Seizes UN Compound in Katanga's Lubumbashi". Nakuha noong 23 Marso 2013.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Brion, R. and J.-L. Moreau (2006), De la mine à Mars, La genèse d'Umicore, Tielt : Lannoo.
  4. Fetter, Bruce (1976), The Creation of Elisabethville, 1910–1940, Stanford: Hoover Institution Press.
  5. John Gunther,Inside Africa, Hamish Hamilton Ltd. London, 1955, page 640
  6. Dibwe dia Mwembu, Donatien (2001), Histoire des conditions de vie des travailleurs de l'Union Minière du Haut-Katanga et Gécamines, 1910–1999, Lubumbashi : Presses Universitaires de Lubumbashi.
  7. Rubens, Antoine (1945), Dettes de guerre, Lubumbashi: L'essor du Congo.
  8. Grévisse, F. (1951), Le Centre Extra-Coutumier d’Elisabethville, Elisabethville-Bruxelles: CEPSI-Institut Royal Colonial Belge.
  9. The World Almanac and the Book of Facts. Estados Unidos: World Almanac Education Group, a WRC Media Company. 2001. p. 779. ISBN 0-88687-862-4. LCCN 4-3781. {{cite book}}: Check |lccn= value (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. "UN voices concern after mass prison outbreak in DR Congo". UN News Center. 7 Setyembre 2011. Nakuha noong 8 Setyembre 2011.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)


  1. "The World Factbook: Africa - Congo, Democratic Republic of the". The World Factbook. CIA. Nakuha noong Abril 13, 2016.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "DRC: Watching the volcanoes". IRIN News. IRIN. 16 Pebrero 2010. Nakuha noong 14 Abril 2015. Against these odds, the population of Goma has grown to about one million from 400,000 in 2004 and 250,000 in 2002, making it difficult to evacuate in the event of a volcanic eruption, a military observer in Goma said.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Matías, Juan (28 Enero 2014). "DRC: 690 people treated for cholera in Bukavu". Médecins Sans Frontières. Nakuha noong 14 Abril 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Baker, Aryn (Agosto 27, 2015). "Inside the Democratic Republic of Congo's Diamond Mines". Time. Nakuha noong Abril 13, 2016.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
pFad - Phonifier reborn

Pfad - The Proxy pFad of © 2024 Garber Painting. All rights reserved.

Note: This service is not intended for secure transactions such as banking, social media, email, or purchasing. Use at your own risk. We assume no liability whatsoever for broken pages.


Alternative Proxies:

Alternative Proxy

pFad Proxy

pFad v3 Proxy

pFad v4 Proxy